ANG PAG-INIT NG MUNDO AY KARAHASAN SA KABABAIHAN


So loob lamang ng isang daang taon, nabago ng industrilisasyon, konsumerismo, indibidwalismo, pangangamkam, pagnanakaw at karahasan ang klima na hindi tulad ng mga dating pangyayari sa kasaysayan ng ating planeta. At kahit na maliit lamang ang ambag sa produksyon ng greenhouse gas emissions ng mga bansang hindi gaanong industriyalisado kaysa sa mga bansang industriyalisado, ang mga taong nabubukod ng istruktura ang sumasalo ng epekto ng pagbabago ng klima, lalo na ang katutubo, Afro-descendant, migrante, at marginalisadong kababaihang taga-siyudad at kabataang kababaihan sa Global South.

Inuusig tayo ng realidad na ito na magsigasig para magkaroon ng hustisyang pangkalikasan at pangklima, na hindi maipagkakailang kabigkis ng hustisyang pangklima. Dahil sa malalim na hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at kasarian, ang kababaihan na nakatira sa labas ng malalaking siyudad o sa mga komunidad sa kanayunan ay mas madalas pinakaapektado ng polusyon sa tubig at lupa, pagdami ng basura, pagbabaha, pagbagyo, mahabang tagtuyot, heat waves, pagkawala ng mga species ng hayop at ekosistema, bagong mga pandemya at pagkalat ng mga sakit.

Personal naming alam ang mga ito bilang isang ekopeministang organisasyon na nagtratrabaho kasama ng mga kababaihan sa timog Mexico. Sa labing-dalawang taon mula ng pagkakatatag ng aming organisasyon, Ang Agua y Vida: Mujeres, Derechos y Ambiente (Tubig at Buhay, Kababaihan, Karapatan at Kalikasan) ay nakapagsanay at nakapagbigay impormasyon sa mahigit 700,000 na kababaihan upang suportahan sila sa kanilang paglaban para sa pagdepensa ng kanilang karapatang pangkalikasan. Aming naatim ito sa pamamagitan ng mga inisyatiba tulad ng mga workshop, mga programa ng pagsasanay, kampanyang pang-adbokasiya, pagpapalabas ng mga pelikula, mga forum, at mga pagtitipon. Kami rin ay nakapagpamulat tungkol sa ginawa ng mga organisadong kababaihan para protektahan ang kanilang mga teritoryo, tubig, lupa, binhi, at katutubong kaalaman kahit na paulit-ulit ang mga pagsasantabi sa kanila, maging ang berbal at pisikal na karanasang ginagawa sa kanila. Ang mga kababaihang nakararanas nito ay bumubuo ng konkretong aksyon na pabor sa hustisyang pangkalikasan at pangklima.

Doon sa Chiapas na matatagpuan sa timog Mexico, ang pag-uusap ng kababaihan tungkol sa pag-init ng mundo ay nangangahulugang pinag-uusapan ang kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi ito usapin ng pagpepresyo ng carbon o pagkalkula ng pagbabago ng temperatura. Ang pinag-uusapan dito ay ang katotohanang tumataas ang presyo ng pagkain, mas nagiging talamak ang mga sakit habang patuloy na nagiging hindi abot-kaya ang gamot; naaanod ng ulan ang mga bahay at kagamitan; nauubos na ang mga binhi; wala nang tumutubo sa lupa; at lalong nagiging marumi at natutuyo na ang tubig. Aming pinag-uusapan kung paano lalong humihirap ang bawat araw.

Noong sinalanta ng bagyong Eta ang Chiapas noong Nobyembre 2020, ang mga sinamahan namin na grupo ng kababaihan – na nag-organisa upang isagawa ang mga aksyong tulad ng pagpapanumbalik ng kalusugan ng lupa, pagtatanim ng puno, organikong hardin, at manukan para sa kanilang sariling pangangailan, at iba pa – lahat ng ito ay nawala dahil sa matinding pag-ulan.

Kaya naman kapag pinag-uusapan ng mga kababaihan ng kulay ang pag-init ng mundo, aming pinag-uusapan ang aming buhay at ang aming karanasan ng eksklusyon, marginalisasyon, at ang iba’t ibang porma ng karahasang istruktural na aming nadarama sa aming mga katawan – mga katawan na nasa mga teritoryong patuloy na sinasamantala at sinakop ng higit na 500 na taon. Kung hindi babawasan ng mga kompanya ang mga aktibidad nila na nag-aambag sa pag-init ng mundo – tulad ng pagmimina, pagkuha ng hydrocarbon, agrikulturang intensibo at industriyal na pagmamanok, at ang industriya ng petrokemikal, kotse at turismo – ay magiging imposible na pigilan ang pagtaas ng pag-init ng mundo mula sa 1.5 hanggang sa 2 degrees Celsius na maglulunsad ng kagimbal-gimbal na dulot para sa ating lahat at sa ating planeta.

Ang pagbabago ng klima bilang resulta ng kolonyalismo, kapootang panlahi at patriyarkiya

Dito sa Chiapas, hindi na namin alam kung kailan uulan o kung gaano ito kalakas; hindi namin alam kung kailan matatapos ang tagtuyot at kung gaano ito kalakas. Dahil dito, hindi na malaman ng mga campesina at katutubong kababaihan kung kailan dapat magtanim ng mais, na kanilang pangunahing pagkain.

Nagbigay-daan sa kawalan ng pag-asa at taggutom ang kawalan ng ani dahil sa tagtuyot at mga pagbaha. Napilitan ang maraming pamilya na ibenta o iparenta ang kanilang lupa sa mga mga proyektong ekstraktibo tulad ng mga monokultural na taniman ng langis mula sa palmo. Maraming kalalakihan ang nalulong sa alak dahil sa pagkabigo, at dahil dito sila ay naging mas marahas. Mula noong Enero hanggang Setyembre 2021, naitala ang 2,873 na kaso ng karahasang domestiko, 365 kaso ng panggagahasa, at 38 na pagpatay ng kababaihan sa Chiapas. 41.9% ay mga manggagawang domestiko, marami sa kanila ay mga migrante mula sa Honduras, Guatemala, at El Salvador. Migrasyon ang nakikitang tanging solusyon ng kababaihan sa nakatambad na pagkasira ng kalikasan, militarisasyon, at karahasan. Sinabi ng isang kababaihan na nakilahok sa aming workshop tungkol sa Kababaihan at mga dambuhalang proyekto na:

“[Ang mga representatibo ng mga korporasyo at/o ng gobyerno] ay nangangako na ang mga dambuhalang proyekto ay magdadala ng kaunlaran, progreso, at trabaho, ngunit ito ay kasinungalingan lamang. Nabanggit ng kababaihan ang pagtaas ng kaso ng karahasan. Nang nawalan ng trabaho ang aming mga kabiyak, sila ay nalulong sa alak at droga. Tumaas ang kaso ng karahasan at tumaas din ang kaso ng migrasyon. Lumilipat ang mga asawa, at kanilang naiiwan ang kanilang mga asawa at anak. Sa kalaunan, [ang kababaihan] ay umaalis na rin sa kanilang pinanggalingan.” — Isang kalahok mula sa workshop na Kababaihan at mga Dambuhalang Proyekto: Pagbubuo ng Pangkomunidad na Paglaban, Hunyo 2021

Kaya ng kababaihan na baguhin ang sitwasyon na ito – at ito ang aming ginagawa

Sa Chiapas, maraming grupo ng kababaihan ang nagtratrabaho upang pagalingin at panumbalikin ang dating kalusugan at kalagayan ng kanilang lupain at teritoryo. Tiyak nga na sila ay nagsasagawa ng mga konkretong aksyon na nag-aambag sa hustisyang pangkalikasan habang sila ay nakatira sa mga komunidad na may limitadong akses sa kanilang pangangailangan. Sila ay nalalagay nito sa mas mataas na panganib na maapektuhan ng mga isyung panlipunan at pangkalikasan, at mga tunggalian. Sa kanilang mga salita:

“Ang mga dambuhalang proyekto [ng gobyerno at mga korporasyon] ay nais ipilit sa amin at ang aming mga lupain ay matatangap sa lahat ng ito. Kanilang sisirain ang mga pananim at ang aming tradisyonal na medisina. Kaya ako nandito, nagdedepensa. Ating depensahan ang lahat ng nasa teritoryo natin.” — Isang kalahok mula sa workshop na Kababaihan at mga Dambuhalang Proyekto: Pagbubuo ng Pangkomunidad na Paglaban, Hunyo 2021

Gayundin, ang kanilang mga aksyon ay may ambag sa hustisyang pangklima sapagkat madalas na ang kababaihan, sa pamamagitan ng kanilang pag-organisa at ang kanilang pagtatrabaho, ang siyang bumubuhay sa kanilang kultura at pinapabuti ang kalagayan ng saribuhay ng kanilang mga lupain sa pamamagitan ng kanilang karunungang naipasa mula sa kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan, nakakatulong ang mga kababaihan sa mga komunidad na maimitiga ang mga epekto ng pagbabago ng klima. Sa kanilang sariling salita, ito ang ilan sa mga pamamaraan na kanilang isinasagawa:

“Sa lokal na lebel, aming iniimpleneta ang mga pamamaraang agroekolohikal at pag-aalaga ng manok, [kasama na ang] pagpaparami ng itlog, upang masuportahan ang aming mga pamilya at para magkaroon ng pagkaing mas masustansya. Gumagamit kami ng vermicompost [isang organikong abono na mula sa mga uod na siksik sa nitrogen, potassium, phosphorus, at magnesium gayun din ng mga mineral na nagpapabilis sa pagpapanumbalik ng kalusugan ng lupa] upang mapangasiwaan ang mga tanim na pumupunan sa pangangailangan ng aming mga pamilya, at kami ay nag-oorganisa ng aming sarili upang mapunan ang pangangailangan naming ng [maiinom na] tubig. Kami ay nagsasagawa ng panganasiwa ng solid waste at graywater [maruming tubig mula sa mga bahay na walang kontaminasyon mula sa dumi ng tao].  Parati kaming nag-iisip kung ano ang inilalagay naming sa aming mga bibig – para sa aming sariling kapakanan at para sa kapakanan ng aming mga anak, aming mga pamilya, at aming komunidad. Trinatrabaho namin ang mga kasunduan para patuloy na makapagdepensa [ng aming mga lupain] at nagbabahagi ng aming mga pamamaraan upang malabanan ang modelo ng ekstraktibismo. Dagdag pa rito, aming pinapagtibay ang aming mga samahan sa mga kolektiba at mga komunidad upang maipagpatuloy ang aming paglaban sa aming mga teritoryo at ang aming paglaban para sa aming karapatan sa aming mga lupain. Kami rin ay nag-oorganisa kasama ng mga maliliit [na agrikultural] na mga prodyuser upang magtinda ng malinis at masustansyang pagkain sa mga lokalidad at sa mga iba pang rehiyon.” — Isang kalahok sa pagtitipong Kababaihan para sa Soberanyang Pagkain, Kalusugan, at Pagdepensa ng Teritoryo: Paghahabi ng mga Alternatibo sa paglawak ng Taniman ng Palm Oil sa Timog-silangan ng Mexico, Marso 2021

Ang mga patotoong ito ay inilalahad na ang mga pagdedesisyong pangklima ay dapat pinapakinggan at isinasama ang kaalaman ng mga lokal na kababaihan. Sa madaling salita: Hindi mataapos ang pag-init ng mundo habang nagpapatuloy ang mga pamamaraang ekstraktiba. Ito ay matitigil lamang kung tayo ay mag-oorganisa at lalaban para sa hustisyang pangkalikasan at pangklima sa lokal na lebel, na may konsiderasyon sa mga sinasabi at kaalaman ng kababaihan. Ito ay matitigil lamang kung ating palalawakin ang ating paningin higit sa mga pagsukat ng temperature at tingnan ang mga mata ng pinaka-apektado dahil sa mga epekto ng pag-init ng mundo.

 

Ang Agua y Vida: Mujeres, Derechos y Ambiente ay isang ekopeministang organisasyon na nagtratrabaho kasama ng mga kababaihan sa Chiapas, Oaxaca, at Tabasco, sa timog silangang Mexico. NIlalayon nilang bumuo ng mga aksyong nakatuon at nagpapalakas sa pakikipagtulungan ng karapatang pantao ng kababaihan at ang karapatan sa tubig, lupa at ang commons upang maisulong ang hustisyang panlipunan at pangkalikasan. Kanilang isinasagawa ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng tatlong magkaugnay na programa: Ang Programa para sa Karapatan at Hustisyang Pangkalikasan, ang Programang Teriroryong Katawan-patungo sa-Lupa, at ang Programang Domestikong Trabaho at Pag-aaruga. Ang mga estratehiyang kanilang isinasagawa ay pagsasanay, pananaliksik, komunikasyon, pag-uugnay at pagbubuo ng network, at aktibismong peminista. Maari niyo silang sundan sa Facebook, Twitter at Instagram.


Related Post

October 2021 | Now is the time for urgent climate action

With extreme weather events impacting every region of the world in recent months and stark warnings from the latest IPCC report,…

See more

दक्षिणी विश्वका नारीवादीहरुका तर्फबाट कोप निर्णयकर्ताहरूका लागि : जलवायु न्यायका लागि आमूल परिवर्तन

“जलवायु न्यायको अर्थ… – अस्थिर उत्पादन, उपभोग र व्यापार सहितका जलवायु संकटका कारक तत्वलाई सम्बोधन गर्दै – समानता र मानव…

See more

Report | Intrinsically linked: gender equality, climate and biodiversity

The worldwide climate crisis, loss of biodiversity and continuing gender inequality are intrinsically linked. Solving the climate and biodiversity crises…

See more

Subscribe to our newsletter

Sign up and keep up to date with our network's collective fight for a gender and environmentally just world.